Lunes, Mayo 21, 2012

Taong Grasa

          Madalas natin silang makikita sa mga lansangan na namamalimos o humihingi ng konting barya pambili ng pagkain. Sa sobrang gutom minsan ay itinutulog na lang ang kanilang nararamdaman. Tulad ng isang ito na madalas ay nakikita ko sa labas ng school namin.Habang kami ay nakatambay sa labas ng school napansin ko na mahimbing na natutulog sa aming harapan ang mamang ito kung kaya't naisipan kong kuhaan ng litrato. Sa isip ko nasaan kaya ang mga kamag-anak nito? May pamilya pa kaya sya? Kung meron man ang sama naman nila para pabayaan ang tulad niya na nawala na ang katinuan sa sarili ay iniwan pa ng mga mahal nya sa buhay.  Pareho rin siguro ng reaksiyon ng mga taong nagdaraan ang reaksiyon ng pamilya nito sa kanya.Pinandidirihan, nilalayuan, iniiwasan dahil sa itsura nya.
          Naisip ko rin. Ano naman kaya ang ginagawa ng ating gobyerno sa mga taong tulad nito? May ginagawa ba silang aksiyon o wala? Bilang Pilipino ay may karapatan din silang mabuhay ng maayos. May mga pribadong institusyon namang nagmamalasakit sa kanila tulad ng minsan pinuntahan namin sa Bocaue, Bulacan. Nka;imutan ko na kung anong pangalan ng institusyong iyon. Pero nagkaroon ako ng pagkakataong makita at makasalamuha ang mga tulad ng mamang ito sa litrato. Doon ay inaalagaan sila ng mga pari at mga nagmamalasakit na volunteer. Pinapakain ng maayos, dinadamitan, ginagamot at pinaparamdam na mahalaga sila. Hindi tulad ng mamang nasa larawan na pagla-gala lamang sa kalsada at natutulog kung saan-saan. 
            Sa pamamagitan ng blog na ito nawa ay matawag ang pansin ng mga kinauukulan na nawa ay bigyan nyo ng pansin ang mga taong tulad nito. Dahil sila man ay may karapatan na mabuhay ng maayos at katungkulan ng ating pamahalaan na proteksyunan at isipin ang kapakanan ng bawat pilipino.